Abante Tonite Interactive

2 la sallista timbog sa ₱1.5m ecstasy

613

Sa tulong ng Grab express, naaresto ang dalawang estudyan­te ng De La Salle University na nakumpiskahan ng P1.5 milyon ha­laga ng party drug sa isinagawang operasyon ng Makati City Police.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Adriel Ryoichi Temporosa Suzuki, 24-anyos, half-Japanese national, at si Ralph Jeffrey Esteban, 23, pawang mga graduating student ng nasabing unibersidad.

Dakong alas-siyete Lunes ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad ang Unit 736 Cityland 9 Dela Rosa Condominium sa Brgy. Pio Del Pilar nang nasabing lungsod.

Nag-ugat ang pagkakahuli sa dalawa nang kuhanin umano ni Suzuki ang serbisyo ng Grab delivery driver na nakilalang si Claus Sabadera para ipadala ang isang package sa Bonifacio Global City sa Lungsod ng Taguig.

Nagduda ang driver sa laman ng nasabing padala, hanggang sa dinala nito sa tanggapan ng Makati City Police, nang buksan ni S/Insp. Jay Ar Fajardo ang naturang package dito na tumambad ang iba’t ibang uri ng party drug o ecstasy.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at sinalakay ang nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa. Ilan sa mga nasamsam sa mga ito ang mahigit sa 1000 pira­so ng party drug, reduce cocaine, shabu at mga drug paraphernalia.

Aminado naman ang mga suspek na nagbebenta sila ng ecstasy kapag may bumibili sa kanila ngunit iginiit na para sa personal na gamit lamang ito, ngunit karamihan aniya sa kanyang mga parokyano ay pawang­ mga estudyante ng nasabing paaralan.

Upang hindi halata sa kanilang paaralan ang mga nasabing drogang nabibili sa kanya ay nilala­gay nito sa kaha ng sigarilyo (Marlboro).

Ayon naman kay National Capi­tal Region Police Office Chief Director Guillermo Eleazar, mala­king sindikatong maituturing ang ganito karaming droga na karamihan mga estudyante ang parokyano.

Aniya, may posibilidad ring sa loob ng condo unit karamihan gumagamit ng drugs ang mga nagiging customer ni Suzuki.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa isang Russian national na sinasabing supplier ng mga suspek. ­(Armida Rico)