Abante Tonite Interactive

2 lalaking naghatid ng relief goods patay sa aksidente

449

Matapos mag-deliver ng mga relief good sa mga biktima ng Taal explosion, nasawi ang dalawang binata habang sugatan ang isa pa nang ang kanilang sinasakyang kotse ay bumangga sa isang trailer truck sa San Jose, Batangas Martes nang madaling-araw.

Ayon sa San Jose police, dead on the spot sina Rio John Abel at ang nagmamanehong si Maximino III Alcantara, na nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan matapos maipit sa loob ng nagkayupi-yuping kotse. Malubha ring nasugatan ang isa pang pasahero na si Darwin Lajara.

Papauwi na ang mga ito galing sa paghahatid ng ayuda sa isa sa mga evacuation center nang mangyari ang aksidente sa national highway sa Barangay Banay-Banay 1st, ala-1:30 nang madaling-araw.

Sumalpok ang sinaksak­yang Mitsubishi Lancer ng mga ito sa hulihan ng trailer truck na noon ay nakahinto at papasok sa gate ng isang feedmills.

Kinustodiya ng mga pulis ang driver ng trailer truck na si Chris Charlie Peralta habang isinugod naman at ginagamot pa sa ospital ang sugatang si Lajara. (Ronilo Dagos)