Abante Tonite Interactive

2 mandarayang sabungero himas rehas sa kulungan

364

By Jojo De Guzman

Rehas na bakal ang hinihimas ngayon ng dalawang sabungero makaraang mabuking ang ginawang pandaraya sa panabong nilang manok na inilaban sa New Rizal Cockpit Arena sa Brgy. Poblacion Sur, Rizal, Nueva Ecija noong Sabado nang hapon.

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Nueva Ecija Provincial Police director Colonel Leon Victor Rosete, nakilala ang mga inarestong sabungero na sina Policarpio Racuyal Asia, 73, at Bonifacio Colite y Porbos, 67, kapwa nakatira sa Brgy. Sta. Cruz II, Dasmariñas City, Cavite
Nabatid na nagsabong ang dalawa at pumusta lang ng P5,500 para sa kanilang panabong na manok pero pumarada ng P55,000 sa kalaban na manok.

Nakarating umano ang ginawa ng dalawa kay Sherwin Bautista Inocente, 42, empleyado ng nasabing sabungan, kaya’t pinaimbestigahan ito.

Doon natuklasan na pekeng tari ang ikinabit ng mga suspek sa kanilang isinabong na manok kaya’t hindi man lang nito nasugatan ang kalaban.

Kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 na may kaugnayan sa game fixing ang isinampa laban sa dalawang sabungero.