Abante Tonite Interactive

2 masahista timbog sa bitbit na droga

271

Rehas na bakal ngayon ang hinihimas ng dalawang masahista matapos mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa loob ng isang apartelle sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang naarestong sina John Marie Baguryo, 26-anyos, at Jell Molali, 25-anyos, kapwa taga-Brgy. East Kamias.

Sa report ni Cubao Police Station (PS 7) commander P/Supt. Giovanni Hycenth Caliao, alas-8:40 ng gabi nang madakip ang dalawang suspek sa loob ng nirentahang Cres Apartelle sa No. 1335, E. Rodriguez Sr. Ave., Brgy. Kristong Hari.

Nabatid na modus umano ng dalawa na mag-check in sa mga apartelle at papuntahin doon ang kanilang mga parokyano.

Nakipagtransaksyon sa mga suspek ang isang pulis na tumayong buyer at habang nag-aabutan ng droga at ­bayad na P500 ay agad ­silang pinosasan ng mga nag-aabang na mga ­awtoridad sa labas ng silid ng apartelle.

Nakumpiska sa dalawa ang 38 plastic sachet ng shabu na nakakahalaga ng P13,600, cellphone na ginagamit sa transaksyon, coin purse at 2 syringes na indikasyon na tinutunaw nila ang shabu saka itinuturok sa kanilang parokyano.