Abante Tonite Interactive

2 menor de edad, 1 pa laglag sa motornapping

333

Nasukol sa entrapment ope­ration ang dalawang binatilyong­ menor de edad at kanila umanong mentor habang nasa aktong ibinebenta nila ang side car sa isang buyer ang tinangay nilang tricycle sa Silang, Cavite.

Hawak ngayon ng Department of Social Welfare and Development ang mga suspek na tinago sa pangalang ‘CJ’, 15, at ‘Mac’, 17, habang nasa kustodiya ng Silang Police si Mc Clooney Labrador, 21, ng Epifanio Malia, GMA, Cavite dahil sa reklamo ni Rex Sata, 47, tricycle driver ng Pacita 2 Complex, San Pedro, Laguna.

Personal na dumulog sa pulisya si Sata nang nalaman nito sa kapwa tricycle driver na ang side car ng kanyang tricycle ay ibebenta umano sa isang buyer sa Silang Cavite.

Ninakaw umano ang kanyang tricycle noong Mayo 14, 2019 dakong alas-sais nang umaga.

Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya kung saan naaresto ang tatlo na aktong tinatanggap ang bayad sa ibinentang side car na nagkakahalaga ng P4,500.

Sa pagkakaaresto sa mga suspek, narekober din ang ninakaw na tricycle ng biktima.

Bukod sa narekober na marked money sa mga suspek ay nakuha rin sa kanilang pag-iingat ang sachet ng hinihinalang shabu. (Gene ­Adsuara)