Abante Tonite Interactive

2 model, event organizer kalaboso sa P800K party drugs

By
225

Swak sa piitan ang dalawang part time model at isang event organizer matapos mahulihan ng ‘party drugs’ sa buy-bust operation sa Windland Tower Residences sa Tomas Morato, Quezon City kahapon.

Sa inisyal na report kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director, General Aaron Aquino, alas-11:00 ng umaga kahapon nang matimbog sina Billy Joe Kakilala, Ronnie Mendoza Toribio, kapwa part time model at event organizer na si Abby Forteza Oban.

Nagkasa umano ang mga operatiba ng PDEA Team Alpha na pinamumunuan ni Agent Art Alagabia makaraang makatanggap ng impormasyon na ang mga naturang suspek ay nagbebenta at gumagamit ng ‘party drugs’ sa loob ng kanilang unit sa nasabing condominium.

Nasamsam sa mga suspek ang 100 piraso ng Ecstasy Tablet, tinatayang 750ml ng Liquid Ecstasy, 20 gramo ng hinihinalang shabu, isang gramo ng cocaine at assorted drug paraphernalia na umaabot sa P820,200 ang halaga.

Tumanggi namang magsalita ang mga suspek kung kanino sila kumukuha ng mga nasabing iligal na droga at kung mayroon ba silang mga parokyano sa industriya ng showbiz.

Nakapiit ngayon sa PDEA detention cell ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.