Abante Tonite Interactive

2 motorsiklo nagsalpukan sa nag-overtake na SUV, 3 patay

148

Tatlo ang iniulat na nasawi sa banggaan ng dalawang motorsiklo at isang sports utility vehicle (SUV) sa Negros Oriental Lunes ng gabi.

Naganap ang trahedya sa national highway sa KM 39 na sakop ng Brgy. Napacao sa bayan ng Siaton sa nasabing lalawigan.

Sa ulat ng Siaton Municipal Police Station, nakilala ang nasa­wing
sina Gregorio Encabo Jr., 54, driver ng Honda XRM 125, at angkas nitong si Nenito Rebotazo, 61; at Jayson Gaitera Ajer, 22, driver ng isa pang Yamaha Mio 125 motorcycle.

Naisugod pa sa isang lokal na pagamutan malapit sa lugar ng insidente ang mga biktima subalit hindi na umabot ng buhay ang magkaangkas na sina Encabo at Rebotazo. Binawian naman ng buhay si Ajer makalipas ang ilang oras habang ginagamot.

Nabatid kay PCpl. Argie Aliabo, traffic investigator, patungo umano ng Norte ang SUV na minamaneho ni Anthony Egera, 45, nang magkaroon ng head on collision sa dalawang nabanggit na motorsiklo nang tangkaing mag-overtake ni Egera sa isang bus na nagresulta sa trahedya.

Sa report ni Aliabo, ang SUV na sangkot sa insidente ay nakatalaga sa Mayor’s office ng Munisipyo ng Siaton habang boluntaryo namang sumuko sa mga pulis ang driver nito na si Egera. (Edwin Balasa)