Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 Nayong Pilipino exec sagabal sa mega COVID project

0 400

Hinaharang ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) ang planong i-convert ang nakatenggang property nito sa Entertainment City bilang pansamantalang vaccination facility kahit inendorso na ito nina vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III.

Ang NPF board ay binubuo ng mga opisyal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naninindigan umano ang NFP board, partikular sina Lucille Karen E. Malilong-Isberto at Cesar DG. Aljama, na puwede namang ipatayo sa ibang lugar ang vaccination facility katulad sa mga parking garage, stadium at theater.

Wala umanong nakikitang mabigat na dahilan ang NPF board para isakripisyo ang cultural park project nila sa lugar na planong pagtayuan ng temporary walk-in at drive-thru COVID immunization facility para isalba ang buhay ng milyon-milyong Pilipino at ibangon ang naghihingalong ekonomiya sa lalong madaling panahon.

Ang bilyonaryong si Enrique `Ricky’ K. Razon, sa pamamagitan ng kanyang ICTSI Foundation, ang nag-alok na popondohan ang pagpapatayo ng mega vaccination center na walang gagastusin ang gobyerno.

Sinuportahan nina Galvez at Duque ang proyekto dahil puwedeng gamitin dito ang anumang vaccine brand. Nabatid na si Razon ay bibili rin ng Moderna vaccine para sa kanyang mga empleyado at mga kamag-anak.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Itatayo ang mega vaccine facility sa walong hektaryang lupain ng Nayong Pilipino na nakatengga lang sa Entertainment City sa Parañaque at may kapasidad ito na mabakunahan ang nasa 12,000 katao kada araw. Sa Quirino Grandstand na ginawa munang vaccination facility ng pamahalaang lungsod ng Maynila ay hanggang 300 lamang ang puwedeng bakunahan kada araw.

Tinitingnan ang Nayong Pilipino property bilang pinakamalaki at madaling mapuntahan para sa itatayong mega vaccination facility sa Metro Manila na dinisenyo ng urban planner at arkitektong si Jun Palafox.

Inendorso na ng Inter-Agency Task Force (IATF), sa pamumuno nina Duque at Galvez, ang proyekto sa Department of Tourism at NPF, subalit si Secretary Berna Romulo-Puyat lamang ang sumuporta rito.

Hinihingi pa umano ng NPF sa Razon group na magbigay ng mga detalye hinggil sa proyekto at kung hanggang kailan tatagal ito sa kanilang property. Giit pa umano ng NPF na patunayang wala na ngang ibang alternatibong lugar na puwedeng patayuan ng vaccination facility sa Metro Manila.

Giit umano ng NPF na makakasagabal ang pagtatayo ng mga kalye at parking lot para sa drive-thru jab center sa kanilang plano naman na magpatayo ng nursery, park ranger station at linear park sa naturang property ngayong 2021.

Determinado umano ang NPF na ituloy ang kanilang cultural project na tinawag na “Project Sambayanihan”, ngayong taon para matapos ito bago sumapit ang Hunyo 2022 at ideklara bilang legacy project ng Pangulo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.