Abante Tonite Interactive

2 NPA off’l, 1 pa bumulagta sa bakbakan

257

Tatlong rebeldeng New People’s Army (NPA) na kinabibilangan ng dalawang mataas na opisyal ang napatay sa naganap na engkuwentro kontra mga sundalo sa isang liblib na lugar sa Brgy. Namatican, Sta. Lucia, Ilocos Sur nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang napatay na rebelde sa mga alyas na ‘Ka Goyo’, Secretary ng Kilusang Larangang Guerilya Southern Ilocos Sur (KLG SIS); ‘Ka Aunor’, Deputy Secretary of KLG SIS; at isang Maria Finela Cavero alyas ‘Ka Ricky’.
Sa ulat ni Lt. Col. Rodrigo Mariñas Jr., Comman­der ng Army’s 81st Infantry Battalion (IB) kay AFP Northern­ Luzon Command Chief Lt. Gen. Ramiro Rey, alas-10:30 ng gabi nang maganap ang engkuwentro.

Ayon sa opisyal, nakatanggap sila ng report sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde.

Nabatid na ang mga rebelde ay nagpupulong sa isang bahay na hinihinalang nagplaplano ng panibagong paghahasik ng terorismo.

Agad rumesponde ang mga sundalo na nagresulta sa bakbakan.

Tumagal ng 10-minuto ang bakbakan na ikinasawi ng dalawang amasona at isang lalaking rebelde kung saan dalawa sa mga napaslang ay mga opisyal ng kilusang komunista. (Edwin Balasa)