Abante Tonite Interactive

2 Obrero nalibing nang buhay

By
637

Natabunan nang buhay ang dalawang ­obrero sa ginawang hukay, habang nasa kritikal na kondisyon naman ang dalawa pang kasamahan nito makaraang bumigay ang pader ng ginagawang gusali sa Orabella Towers ng DMCI Homes sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktima na nabaon nang buhay ay nakilala sa pangalang Erick Nolasco alias ‘Jong’, at Kenneth Paul Bocobo. Sila ay idineklarang dead-on-arrival sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) ng attending physician na nakilalang si Dr. Cristine Joy Sauro dakong alas-kuwatro ng madaling-araw.

Nasa kritikal na kondisyon naman sa nasabi ring ospital ang dalawa pang kasamahan ng mga nasawi na sina Michael Pineda Colares, 23-anyos, binata, laborer at residente ng No. 105, Bregido Cruz St., Brgy. Gaig, Teresa, Rizal at Jose Ermo Duarte, 55-anyos, may asawa, led man at naninirahan sa Blk. 34 Welfare Ville, Brgy. ­Addition Hills, QC.

Nagtamo ng malalalim na sugat at nagkabali-bali ang buto sa katawan ng mga biktimang si Nolasco at Bocobo makaraang matabunan ng mga bato at semento nang bumigay ang kanilang ginagawang pader.

Sa inisyal na im­bestigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang ‘freak accident’ ay naganap dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa ‘under construction’ na Orabella Towers ng mga Consunji na matatagpuan sa 21st Ave., Brgy. Tagumpay, Cubao.

Abala umano ang mga nabanggit na biktima sa pagbabarena ng pader nang biglang bumigay ito at natabunan ang apat na nasabing construction worker.

Agad namang nagtulong-tulong ang mga kasamahan ng mga biktima na maiahon ang mga ito sa pagkakabaon sa hukay at mabilis na isinugod sa nabanggit na ospital.

Masusing iniimbestigahan pa ng pulisya ang naganap na trahedya sa construction site.