Abante Tonite Interactive

2 online tulak ng ‘injectable shabu’ nadakma

297

Nadakma ang dalawang lalaking umano’y nagbibenta ng mga liquid o ‘injectable na shabu’ sa online sa buy-bust operation sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, nitong Huwebes ng madaling-araw.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service Director Levi Ortiz, ang mga naarestong suspek na sina Mark Kenneth Del Rosario San Juan, alyas ‘Xtian’, at Jeffrey Villarin Saclao, kapwa nasa hustong gulang, at mga residente ng Makati City.

Sa ulat ng PDEA, alas-12:10 ng madaling-araw (Pebrero 20) nang ikasa ng Team Alpha ang buy-bust operation sa kanto ng isang fast food chain sa Guevarra St., Brgy. Highway Hills.

Nakabili umano ang undercover agent ng PDEA mula sa mga suspek ng limang piraso ng heringgilya na naglalaman ng liquid shabu na nagkakahalagang P10,000 kaya agad nang inaresto ang mga ito.

Nakumpiska rin mula sa mga suspek ang isang pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na may street value na P13,600; 26 pirasong heringgilya na naglalaman ng liquid shabu, na may sukat na 10.4 milliliter at nagkakahalagang P52,000; at isang pirasong sterile water bottle, digital weighing scale at marked money.

Ayon sa mga awtoridad, modus operandi umano ng mga suspek ang magbenta sa social media.

Idini-demo pa umano ng dalawa sa kanilang mga parokyano kung paano gamitin ang ‘injectable shabu’. (Dolly Cabreza)