Abante Tonite Interactive

2 opisyal ng Natl Museum kulong sa pangingikil

245

Naaresto ng mga tauhan ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) ang dalawang opisyal ng national museum na sinasabing sangkot umano sa pangingikil kapalit nang pagpapalabas umano ng permiso para sa treasure hunting.

Kinilala ni PACC Commissioner Greco Belgica, ang dalawang suspek na sina Ernesto Toribio Jr, hepe ng treasure hunting section ng national museum at Angel Bautista, acting director 3 ng cultural properties division ng national museum.

Dakong alas-5:45 ng hapon nang isagawa ang entrapment operation sa labas ng isang restaurant sa Mall of Asia (MOA) Complex sa lungsod ng Pasay sa pagitan ng complainant kasama ang kinatawan ng PACC at mga suspek.

Sinabi ni Belgica na inipit umano ni Toribio ang pagbibigay ng permit para sa treasure hunting na hinihiling ng complainant. Nagkasundo lang umano sa presyo na P120,000 kaya nangako na umano ito na ipalalabas.

Kahapon nang magkaabutan na ng pera ay dito na sumugod si Belgica at mga kasama sa PACC para hulihin ang dalawa.

Kaagad namang dinala sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Armida Rico)