Abante Tonite Interactive

2 pang Pinay umuwi galing Iraq

366

Dalawa pang Pinay na kabilang sa mga pinapauwing overseas Filipino worker (OFW) mula sa magulong bansang Baghdad Iraq ang dumating sa Ninoy Aquino Internatio­nal Airport (NAIA) sa Pasay City, kamakalawa nang hapon.

Bandang alas-4:10 nang hapon nang dumating ang dalawang OFW na sakay ng Qatar Airways Flight QR 932 na lumapag sa NAIA Terminal 3.

Sinalubong sila ng ilang opisyal at kawani ng Department of Foreign Affiars, Overseas Worker Welfare Administration (DFA-OWWA) at sa Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa arrival area upang alala­yan sa pagproseso sa kanilang dokumento sa Immigration.

Ayon sa DFA, humingi ng saklolo ang da­lawang Pinay na kapwa biktima umano ng human trafficking at nais nilang makauwi sa bansa.

Sinagot ng pamahalaan ang lahat ng gastusin nito sa pamasahe at exit visa ng dalawa para makauwi sa Pilipinas.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang dalawang Pinay OFW aliban sa sinabi nitong siyam na buwan silang nagtrabaho sa Iraq bilang mga waitress.

Nauna ng dumating ang 11 Pinoy worke­r at dalawang menor de edad mula sa Iraq matapos ipatupad ng pamahalaan ang mandatory repatriation sa mga Pilipinong apektado ng lumalang tensyon sa nasabing bansa.

Ang dalawang OFW ay pansamantalang dinala sa tanggapan ng IACAT para sa pagpro­seso sa kanilang pag-uwi sa kanilang probinsiya. (Armida Rico)