Abante Tonite Interactive

2 pang suicide bomber binabantayan sa Mindanao

0 145

Inalerto ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng himpilan ng pulisya partikular sa Mindanao dahil sa posibleng pag-atake ng dalawa pang suicide bomber.

Ito ang inihayag ni PNP chief Police General Oscar Albayalde kasunod ng suicide bombing attack sa kampo ng 35th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Indanan, Sulu nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Albayalde, ito ang pangalawang pagkakataon na tinarget ng suicide bomber ang kampo ng militar sa Sulu, kasunod ng unang pag-atake ng dalawang suicide bombers noong Hunyo 28 sa kampo ng 1st Brigade Combat team.

Una nang sinabi ni Wesmincom Commander Lt Gen. Cirilito Sobejana na may dalawa pang suicide bomber na inatasan ang Abu Sayyaf na magsagawa ng pambobomba sa Mindanao na hinahanap ngayon ng militar.

Ayon sa PNP chief, tumutulong din ang PNP sa militar sa pagtugis sa dalawang suicide bomber sa pamamagitan na sharing ng intelligence information.
Sa ngayon, sinabi ni Albayalde na isinailalim na sa DNA test ang bahagi ng katawan ng babaeng suicide bomber na bigong makapasok sa 35th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Indanan, Sulu at lalabas ang resulta nito 3 araw hanggang isang linggo.