Abante Tonite Interactive

2 panukala na patataasin ang antas ng PH basic education inilatag

303

Dalawang panukalang batas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang nakahain sa Kamara na naglalayong lalo pang itaas ang antas ng Philippine basic education sa pandaidigang pamantayan.

Ang isa, HB 311, ay isusulong ang ‘state-of-the art school system’ at ang pangalawa, HB 304 ay titiyaking maginhawang makakapasok sa mga paaralan ang mga mag-aaral sa liblib na mga pamayanan.

Layunin ng ‘Public Schools of the Future’ (HB 311) na gawing makabago ang mga silid-aralan kung saan mararanasan ng mga mag-aaral ang digital world sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga laptop computer ang mga nasa Grade 4, 7 at 11, at access sa Internet, para ihanda sila sa mapanirang mga teknolohiya ng ika-4 na ‘Industrial Revolution’.

Ang ‘Fourth Industrial Revolution’ na nagsimula na at tinaguriang Industrial Revolution 4.0 ay tungkol sa ‘digital revolution’ kung saan pinagsasama-sama ang iba’t ibang teknolohiya na bumubura sa dating malinaw na pagkakaiba-iba ng mga larangang ‘physical, digital, and biological’ .
Sa ilalim ng HB 311, ayon kay Salceda, mag-aaral ang kabataan sa loob ng mga digital classroom na kumpleto sa mga kagamitang digital para maging katulad din ng kabataan sa mayayamang mga bansa.

Layunin ng HB 311 na maiwasang mawalan ng trabaho ang mga manggagawa ngayon sa darating na panahon sa pamamagitan ng pagbibigay pagkakataon sa kabataan na mapasok nila ang makabagong digital na mundo, at matutunan nila ang mga kahusayang kailangan upang hindi sila mawalan ng pagkakakitaan at silbi.