Abante Tonite Interactive

2 Pinoy nawawala sa nasunog na cargo ship sa Arabian Sea

By
1,494

Apat na tripulante ng cargo ship, kabilang ang dalawang Filipino, ang patuloy na nawawala sa kabila ng isinagawang masusing paghahanap sa nasunog na barko noong Martes ng gabi.

Lumiliit na ang tsansa na makita pang buhay ang apat na crew member ng barkong Maersk Honam.

“While search ope­ration continues the hope of finding our missing colleagues is fading. We are in contact with their families and they know that tragically, the time passed decreases the likelihood of finding their loved ones alive. Our thoughts and prayers go to them,” ayon sa pahayag ni Soren Toft, Chief Operating Officer ng A.P. Moller – Maersk.

Bukod sa dalawang Pinoy, isang South African at Indian ang hindi pa nakikita sa nasunog na barko.

May 23 tripulante ng cargo ship ang ligtas na inilipat sa barkong ALS Ceres subalit isang Thai ang nasawi. Ang dalawa namang sugatan na isang Thai at Filipino ay isinakay sa Indian coast guard upang maipagamot ang kanilang sugat.

Nasunog ang cargo ship habang naglalayag sa Arabian Sea patu­ngong Suez canal noong Martes ng gabi. Sinikap muna ng mga crew na apulahin ang apoy su­balit hindi kinaya kaya’t nagpadala na sila ng distress signal.

May kabuuang 27 crew member ang barko na kinabibilangan ng 13 mula sa India, 9 mula sa Pilipinas, 2 mula sa Thailand at tig-isa mula sa South Africa, Romania at United Kingdom.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog sa barko na noong 2017 natapos ang paggawa at ipinarehistro sa ilalim ng Singapore flag. May kargang 7,860 container ang barko nang masunog.