Abante Tonite Interactive

2 PNP off’l na sinabit sa scam umareglo sa Ombudsman

482

Upang mas bumaba ang sintensya, pumasok sa isang plea bargaining agreement sa Office the Ombudsman ang dalawanag opis­yal ng Philippine National Police (PNP) na isinasangkot sa medical test scam.

Unang naghain ng not guilty plea sina Police Col. Elizabeth A. Milanes, Police Lt. Col. Digna Olivares-Ambas, at ang private defendant na si Edgar Indiongco, may-ari ng E. Indiongco Diagnostic Laboratory ukol sa nasabing scam subalit kalaunan ay binawi nila ito at naghain ng guilty plea sa mas mababang kasong paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Kasabay ng paghahain ng guilty plea ay pumasok din sa kasunduan sa prosekusyon ang mga akusado, bu­nga nito ay hindi na magkakaroon ng paglilitis.

Nabulgar ang scam nang umangal ang ilang pulis na pinagbabayad umano ng laboratory test sa PNP Regional Health Service 3 sa Camp Olivas, Pampanga pero hindi binibigyan ng resibo ng pribadong diagnostic clinic at ang ilan ay hindi rin nabibigyan ng resulta ng ginawang test.

Nabatid na mula Nobyembre hanggang Disyembre 2010 ay umabot sa P1.868 mil­yon ang kanilang na­singil sa mga pulis.

Ayon sa prosekus­yon, ang E. Indiongco Diagnostic Laboratory ay kinuha ng PNP Region 3 nang hindi dumaan sa procurement process at wala din itong binabayarang renta sa lupang tinayuan ng clinic sa loob ng kampo.

Lumilitaw na wala ring lisensyadong tauhan ang clinic upang magsagawa ng medical screening at tanging mga nursing student ang tauhan nito.

Iginiit ng prosekus­yon na matibay ang kanilang ebidensya laban sa mga akusado at bunga nito ay nahikayat ang mga akusado na pumasok na lamang sa plea bargaining agreement.

Sa halip na makulong ng hindi bababa sa anim na taon kung hahatulan ng guilty sa kasong graft, ang mga akusado ay pinagmulta lamang ng P20,000 bawat isa matapos mahatulang guilty sa paglabag sa Code of Conduct. (Tina Mendoza)