Abante Tonite Interactive

2 pulis-Makati sibak sa transwoman profiling

428

Sinibak sa kanilang puwesto ang dalawang miyembro ng Makati City Police makaraang mahuli sa video na nag-imbita ng mga transwoman sa kanilang himpilan para sa umano’y profiling.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang mga sinibak na sina Pat. Timmy Paez at PCpl. Juliet Atal ay isasailalim sa retraining at workshop ukol sa gender sensitivity.

Wala namang naibigay na paliwanag ang mga sinibak na opisyal kung bakit nila inimbitahan sa kanilang himpilan ang transwoman na si Anne Pelos noong Valentine’s Day.

Sa Facebook video post ni Pelos, naglalakad sila ng co-worker sa Makati Avenue nang harangin sila ng mga pulis.

“Iyan ang instruction sa amin ngayon… parang profiling naman iyon,” ayon umano sa police officer, kung saan ay halos 200,000 katao ang nakapanood habang 4,000 naman ang nag-share.

Sinabi ni Pelos na kung malinaw ang pagpapaliwanag sa kanila ng mga police officer kung bakit sila dadalhin sa police station, ay handa naman umano silang sumama.

Itinanggi naman ng hepe ng Makti City Police na may inilunsad silang Oplan X-Men para sa mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT).

“It was only a misunderstanding. They rescue women, including LGBT members, from illicit activities such as prostitution through Oplan Magdalena,” giit ni Simon.

Nilinaw naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Archie Francisco Gamboa na walang kautusan mula sa pamunuan ng PNP na magsagawa ng profiling ng mga transgender.

Gayunpaman, sinabi ni Gamboa na wala siyang nakikitang mali sa pag-iimbita ng mga tao na pumunta sa istasyon ng pulis, dahil maaari namang tumanggi sa imbitasyon, subalit hindi maaring pilitin ang sinumang tumanggi sa imbitasyon. (Armida Rico)