Abante Tonite Interactive

2 pulis nadale sa NPA attack

By
13

Patay ang isang pulis habang isa pa ang sugatan matapos ang ginawang pag-atake ng pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa dalawang istasyon ng pulisya sa magkahiwalay na bayan sa lalawigan ng Sorsogon kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol-PNP, unang sinalakay ng hindi pa batid na bilang ng umano’y mga rebelde sakay ng kulay pu­ting van dakong alas-6:15 ng gabi ang isang police community outpost sa Barangay Luna sa bayan ng Gubat na ikinasawi ni PO2 Dennis Garbida.

Napag-alaman na bigla na lang huminto sa harapan ng istasyon ng pulisya ang nasabing van sabay labas ng mga armado ng mahahabang kalibre ng baril na mga suspek na nakasuot pa umano ng army uniform at niratrat ang himpilan ng pulisya.

Abante Hiring – IT dep

Nakuha namang makapagtago ng ilang pulis subalit sinamangpalad na mapuruhan si Garbida.

Mabilis ding tumakas ang mga suspek makalipas ang pagratrat sa police station.

Samantala, sugatan naman si PO2 Dionne ­Canada matapos atakihin din ng mga pinaniniwalaang mga grupo ng NPA ang isa pang Police Community Precinct (PCP) sa Barangay Aquino sa Bulan, Sorsogon dakong alas-7:15 ng gabi.

Napag-alaman na sinugod ng hindi pa mabatid na bilang ng mga rebelde ang istasyon ng pulisya at tinamaan sa likurang bahagi ng katawan si PO2 Canada na ngayon ay patuloy na inoobserbahan sa pagamutan.