Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 pulis sa rape-slay bulukin sa kulungan

0 2,139

Sinampahan na ng kasong murder ang dalawang pulis na nangmolestiya at pumatay sa isang 15-anyos na dalagita matapos itong pagbabarilin ng magsampa ng kasong rape sa mga ito nitong Huwebes sa Cabugao, Ilocos Sur.

Sa statement ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa nitong Linggo ng hapon, sinabi niya na nitong Biyernes ay sinampahan na ng kasong murder ng Ilocos Sur Police Provincial Office (PPO) sina Police Staff Sgt. Marawi Tonda at Police Staff Sgt Randy Ramos, nakatalaga sa San Juan Municipal Police Station (MPS) sa Ilocos Sur, ng kasong murder dahil sa pamamaslang kay Fabel Pineda, 15, na kanilang pinagbabaril matapos magsampa ng kasong acts of lasciviousness laban kay Tonda nitong Huwebes.

Sa ngayon ay nasa restrictive custody na ng Ilocos Sur PPO ang mga suspek habang hinihintay ang disposisyon ng korte laban sa isinampang kaso sa kanila.

Siniguro pa ni Gamboa na makakamit ng pamilya ng mga biktima ang hustisya dahil sinisiguro niya na matatanggap ng dalawang pulis na suspek ang pinakamabigat na parusa sa kanilang ginawa.

”They are not men in uniform but animals who deserve to be jailed for life. Walang awa, walang puso, walang kwentang pulis,” pahayag ni Gamboa sa kanyang statement.

Ipinag-utos din ni Gamboa sa Police Regional Office (PRO) 1 na bigyan ng seguridad ang 18-anyos na dalagang rape victim gayundin ang pamilya ng pinatay na 15-anyos kapag dadalo ang mga ito sa pagdinig ng korte.

Nauna na ring sinabi ng pamilya ni Fabel na “Feeling namin hindi na kami safe.”

Ayon sa isang kaanak ng biktimang si Alma, hindi tunay na pangalan, pakiramdam nila ay hindi sila ligtas matapos magsampa ng reklamo sa dalawang pulis.

Sa imbestigasyon, kasama sa grupo ng mga kabataan sa isang party sa San Juan ang biktimang si Fabel Pineda at pinsan nitong 18-anyos na dalaga nang sitahin ng mga pulis dahil sa paglabag sa curfew at social distancing nitong Miyerkules.

Matapos hulihin ay inalok ng mga suspek na pulis ang magpinsan na nakainom ng alak na ihahatid na sa kanilang bahay subalit pagsapit sa bayan ng Cabugao ay pinagsamantalahan na ng dalawang pulis ang magpinsan, minolestya ni Tonda si Pineda habang ginahasa naman ni Ramos ang kanyang 18-anyos na pinsan.

Hulyo 2 na magsampa ng kasong “acts of lasciviousness” si Pineda laban kay Torda habang ang pinsan nito ay kinasuhan ng “rape” si Ramos sa Cabugao Police Station.

Subalit habang pauwi na si Pineda kasama ang dalawang kaanak lulan ng motorsiklo ay tinambangan at niratrat sila riding-in-tandem.

Agad na nasawi ang dalagita na siyang puntirya ng mga suspek dahil sa dami ng tama ng bala sa katawan habang hindi naman ginalaw ang dalawang kaanak nito ng mga salarin na mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo.

Samantala, mariing kinondena ni Sen. Dick Gordon, Gabriela at National Police Commission (NAPOLCOM) Region 1 ang pagpatay kay Pineda. (Edwin Balasa/Allan Bergonia/Riz Dominguez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.