Abante Tonite Interactive

2 pulis-Taguig hinagisan ng granada, sugatan

314

Dalawang pulis sa Taguig City ang masuwerteng nasugatan lamang makaraang hagisan sila ng granada habang nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) Miyerkoles nang madaling-araw.

Isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktimang sina P/MSgt. Santiago Cordova at P/Cpl. Alnajim Abdulhalim, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct 2, dahil sa mga tinamong tama ng shrapnel ng granada sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek na nagawang makatakas matapos hagisan ng granada ang mga pulis.

Sa isinumiteng report ni P/Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, dakong ala-una ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Maguindanao St., Road 4, Brgy. New Lower Bicutan.

Sinabi ni Santos na nagsagawa ng SACLEO ang kanyang mga tauhan sa pangunguna nina Cordova at Abdulhalim sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng granada.

Papalapit pa lamang ang dalawang pulis at iba pa nilang kasamahan nang hagisan sila ng granada ng suspek. Gumanti ng putok ang ibang pulis pero mabilis na nakatakas ang suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy kung sino ang suspek at maaresto ito. (Armida Rico)