Abante Tonite Interactive

2 residente nahulihan ng shabu sa QC

286

Timbog sa mga operatiba ng pulisya sa Quezon City ang dalawang lalaking sangkot diumano sa iligal na droga matapos isailalim sa magkahiwalay na buy-bust operation noong Linggo ng hapon.

Nakilala ang mga suspek na sina Julius Ado, 27, residente sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City at Alfonso Sidiaco, 34, nakatira sa Brgy. Pasong Tamo sa nasabi ring lungsod.

Ayon sa ulat, inaresto ng mga elemento ng Masambong Police Station 2 ang suspek na si Ado dakong alas-8:20 ng gabi matapos itong mahulihan ng dalawang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200 sa Madrigal St., Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa.

Isang concerned citizen diumano ang nagsumbong sa pulisya na sangkot ang suspek sa iligal na droga.

Bandang alas-5:30 ng hapon naman nang masakote ang suspek na si Sidiaco ng mga operatiba ng Batasan Police Station 6.

Isinailalim si Sidiaco sa buy-bust operation at inaresto sa Area 7, Nawasa Line, Brgy. Holy Spirit matapos mahulihan ng anim na sachet ng shabu na tinatayang nasa P102,000 ang halaga.

Ipaghaharap sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Tonite – Wendys Inhouse Ad