Abante Tonite Interactive

2 rice trading center sa Bulacan bantay-sarado

484

Dinagdagan pa ng Philippine National Police (PNP) ang inilagay na seguridad para sa dalawang malalaking rice trading center sa Bulacan

Ayon kay Lt. Col. Rizalino Andaya, hepe ng Bocaue Police naglagay na rin sila ng police monitoring post sa Golden City Business Park at Intercity Industrial Estate para mapigilan ang anumang pagtatangka na pagnakawan ang mga nasabing lugar o `di kaya ay magkaroon ng looting.

Bukod sa mga pulis, sinabi ni Andaya na nagdagdag na rin ng mga security personnel ang pamunuan ng dalawang rice trading center para magbantay sa loob ng 24 oras.

Sinabi naman ni Mayor Eleanor `Joni’ Villanueva-Tugna na mayroon ding mga volunteer na tumutulong para masiguro ang seguridad ng mga rice trading center gayundin ang pamilihang bayan sa lugar.

Nauna rito ay nanawagan sa publiko si Brig. Gen. Rhodel Sermonia, Central Luzon regional police director, na maging maingat at mapagmatyag sa mga posibleng kaso ng looting at nakawan bunga ng ipinatupad na enhanced community quarantine.

Babala nito na dahil kontrolado ang galaw ng mga tao sa ngayon ay maaaring may mga desperadong indibidwal na makaisip gumawa ng masama at magnakaw sa mga commercial establishment katulad ng mga supermarket, grocery store, mga bodega at mga imbakan ng pagkain dahil sa kakulangan ng supply ng mga pangunahing bilihin. (PNA)

Tonite – Wendys Inhouse Ad