Abante Tonite Interactive

2 sa akyat-bahay nabulaga, bulagta

475

Todas ang dalawang sinasabing miyembro ng ‘Akyat-Bahay’ makaraang manlaban at makipagbarilan sa mga awtoridad sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.

Sa report kay Quezon City Police District Novaliches Police Station (PS4) commander P/ Lt. Col. Rossel Cejas, alas-1:17 ng madaling-araw nang magkabarilan ang mga di-pa nakilalang mga kawatan at operatiba ng QCPD sa Jonaville Subd., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.

Sa inisyal na imbestigasyon, isang residente ang tumawag sa pulisya at inireport ang kahina-hinalang armadong suspek na umaali-aligid sa lugar.

Agad namang rumesponde ang QCPD-PS4 sa pamumuno ni P/Capt. Nicanor Bautista at nasorpresa nila ang dalawang suspek sa lugar.

Sa halip namang sumuko ang mga ito ay binaril ang mga operatiba kaya agad na gumanti ang mga pulis na ikinabulagta ng mga kawatan.

Nasamsam ng mga awtoridad sa bangkay ng mga suspek ang caliber .38 snub nose revolver, Smith and Wesson caliber .38 na mga walang serial number, (4) sachet ng shabu, drug paraphernalia, (2) back pack na naglalaman ng vault cutter, mga damit, bonnet, martilyo, at lagare.

Ayon sa mga residente sa natu­rang subdibisyon, may tatlong araw na nilang nakikita sa lugar ang mga napatay na suspek. (Dolly Cabreza)