Abante Tonite Interactive

2 sakitin nagbigti

By
5

Sa halip na magpatuloy sa iniindang sakit at kahirapan, mas pinili ng isang 55-anyos na lalaki at 49-anyos na babae na wakasan ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti gamit ang nylon cords sa Lungsod ng Mala­bon kamakalawa ng gabi.

Ganap na alas-8:30 ng gabi nang matagpuang wala nang buhay at naka­bigti ang si Alberto Nicolas ng Block 20, Phase II, Letre, Barangay. Tonsuya ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ng anak ng biktima na si Carina Nicolas, 26, kararating lamang umano niya sa kanilang bahay at nagulat siya nang pagpasok niya ay nakitang nakabigti na ang kanyang ama sa nylon cord na itinali sa kanilang kisame.

Agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang mga kapitbahay upang maibaba ang ama ngunit hindi na rin ito nagawa pang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan dahil wala na itong buhay.

Napag-alaman sa mga kaanak ng biktima na matagal nang may sakit sa pulmonia at asthma ang biktima at hindi na makapagpagamot dahil sa kahirapan sa buhay.

May 30 minuto lang ang lumipas, isa pang pagpapatiwakal ang iniulat sa Tiangco Street, Brgy. Ibaba ng nasabi ring lungsod. Kinilala ito na si ­Gemma Torregoza, dalaga at wa­lang kasama sa buhay.

Sa salaysay ng naka­tatandang kapatid na si Rolando Torregoza, 51, ganap umanong alas-nuwebe ng gabi nang kanyang puntahan sa bahay ang biktima. Kung ilang ulit siyang kumakatok at nagsisisigaw upang pagbuksan, ngunit hindi sumasagot ang biktima.

Doon na niya puwersahang pinasok ang bahay at hinanap ang kapatid. Sa ikatlong palapag niya ito nakitang nangingisay habang nakabigti ang gamit ang nylon cord din.

Agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang barangay na mabilis ding nakaresponde at naibaba sa pagkakabigti ang biktima.

Naisugod man sa Paga­mutang Bayan ng Malabon ay hindi na umabot ng buhay ang biktima.

Napag-alaman na nito lamang nakaraang taon, buwan ng Disyembre ng ma-stroke ang biktima at mula noon ay naging malungkutin ito hindi na nakikipag-usap.