Abante Tonite Interactive

2 sasakyan nahulog sa bangin sa Mt. Province; 4 patay, 7 sugatan

By
205

Apat katao ang patay habang pito ang malubhang nasugatan matapos mahulog ang kanilang sasakyan sa magkahiwalay na insidente sa dalawang barangay sa bayan ng Sabangan, Mt. Province noong Martes.

Una dito, sa Sitio Pa­latong, Barangay Tam­ningan sa nasabing bayan, dead-on-arrival sa Luis Hora Regional Memorial Hospital (LHRMH) sina Corazon Longtiwen at Hilda Lungaw, 54-anyos, parehong taga-nasabing barangay.

Samantala, ginagamot ngayon sa LHRMH dahil sa mga gasgas sa katawan ang kasamahan nilang sina Joel Marcos, asawa nitong si Estela at tatlong anak nito.

Sa paunang imbestigasyon, nakasakay sa isang Land Cruiser na nakarehistro sa DPWH-Mt. Province ang mga biktima na minamaneho ni Marcos patungong Bontoc sa nasabing lalawigan nang mawalan ito ng kontrol.

Dito, dahil sa madulas na kalsada, nahulog ang sasakyan ng mga biktima sa 250 metrong lalim ng bangin.

Isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit hindi na umabot nang buhay sina Longtiwen at Lungaw.

Samantala, patay din sa parehong araw sina Charlie Dangiwan Domao-il, 34-anyos, ng Sacasan, Sadanga at pasa­hero nitong si Johnson Kawi Faroden, parehong taga-Mt. Province sa Sitio Macamcamamar, Poblacion, Sadanga, sa nasabing lalawigan. Dalawa ang nasugatan sa aksidente na nakilalang sina Christian D. Copas at Faustino Balso.

Sa report, minamaneho ni Domao-il ang isang pickup sakay si Faroden at kasama sina Copas at Balso nang biglang madulas ang kanilang sinasakyan at nawalan ng kontrol ang sasakyan hanggang mahulog ito sa bangin.

Agad na sinugod sa Bontoc General Hospital (BGH) ang mga biktima ngunit hindi na umabot nang buhay sina Domao-il at Faroden.