Abante Tonite Interactive

2 sikyo nagbarilan sa marikina city hall

567

Nauwi sa barilan ang pinairal na init ng ulo ng dalawang guwardiya matapos magtalo nang utusan ng isa na buksan ang gate kahapon nang umaga sa lobby ng Marikina City Hall.

Ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktimang si Reynaldo Rosal Jr., nasa hustong gulang, sanhi ng tinamong bala sa leeg.

Kulungan naman ang bagsak ni Ely Cantuba, 49-anyos, security guard ng Pentino Security Agency Inc., at taga-Barangay Tumana, Marikina City.

Batay sa report ng Eastern Police District (EPD), naganap ang insidente bandang alas-7:10 Lunes nang umaga sa ground floor ng Marikina City Hall sa Brgy. Sta. Elena, Marikina City.

Sa report, inutusan ni Cantuba ang biktima na buksan ang gate ng munisipyo dahil may papasok na sasakyan subalit hindi niya ito pinansin. Bunga noo’y nagsimula nang mag-alitan ang dalawa.

Agad na bumunot ng service firearm 9mm si Cantuba at pinaputukan ang biktima. Nagawa namang makaganti ng biktima subalit hindi tinamaan ang suspek.

Mabilis namang rumesponde ang Marikina Police at agad na dinala sa pagamutan ang biktima habang dinala sa police station ang suspek. (Vick Aquino)