Abante Tonite Interactive

2 Sputnik nagsaksakan

By
13

Sugatan ang dalawang lalaking miyembro ng ‘Sputnik gang’ nang magsaksakan kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.

Kapwa ginamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center, ang suspek at biktimang sina Jhong Bartolome, 46, vendor, taga-Oroquieta; at Jonel Jardenuze, 36, tricycle driver at taga-832 Oroquieta St. Sta. Cruz, Maynila at kapwa mi­yembro ng Sputnik gang.

Si Bartolome ay may tama ng saksak sa kanang dibdib, kaliwa at kanang braso, habang si Jardenuze ay may tama ng da­lawang saksak sa kanang bahagi ng dibdib.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Julio Espiritu, ng Manila Police District-Police Station 8, naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng gabi sa Oroquieta St. malapit sa Claro M. Recto.

Sinabi ng testigong si Melvin Feliciano na una niyang nakita ang dalawa na nagtatalo sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa barangay hanggang sa magkapikunan.

Kasunod nito ay nakitang bumunot ng patalim si Bartolome at sinaksak si Jardenuze dahilan para bumunot rin ito ng patalim at saksakin ang una.

Kapwa naman isinugod ang dalawa sa pagamutan matapos maaresto ng pulisya.