Abante Tonite Interactive

2 Sri Lankan suicide bomber sa ‘Pinas bineberipika ng AFP

0 272

Nananatiling kalmado pero alerto ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa ulat na may nakapasok sa bansa na dalawan­g suicide bomber mula sa Sri Lanka.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kailangan pang kumpirmahin at imbestigahan ang nakarating sa kanilang report at ipinaalala sa publiko na maging mapagmatyag sa anumang kahina-hinalang kilos ng ilang nakikitang dayuhan.

Kasalukuyang nasa ilalim pa ng pagsisiyasat ang AFP sa anumang posibleng mangyari sa bansa.

Sinabi naman ni AFP spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo na nakatanggap na sila ng impormasyon mula sa ibang ahensya at kailangan pang siyasatin upang makasiguro.

Base sa nakalap na report, may kaanak na Pilipino ang Sri Lankan suicide bomber at ang isa rito ay isang Pinay na nasa bansa na noon pang Nobyembre 2018 na kung saan sangkot umano ito sa kambal na pagpapasabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 23 katao noong Enero.

May hinala rin ng mga awtoridad na mag-asawan­g Indonesian ang nasa likod ng suicide bombing sa Jolo na kung saan dumating sa bansa ang suicide bomber noong Hunyo at nagpaplanong magpasabog sa mga simbahan sa Luzon.

Nilinaw ng AFP na ang mga nasabing impormasyon ay isinasailalim pa sa validation upang masi­guro ang mga nakalap na report. (Vick Aquino)