Abante Tonite Interactive

2 Super Health Center itatayo ni Oreta

282

Magtatayo si Mayor Lenlen Oreta ng dalawang Super Health Centers (SHC) sa Malabon.

Katunayan, isinagawa na noong Marso 28, 2019 ang ‘ground-breaking’ ng unang SHC building sa lokasyon nito sa pa­nulukan ng Gov. Pascual Avenue at Sanciangco St. sa Brgy. Catmon.

Una sa dalawang SHC na pagaganahin sa lungsod, layunin ng pasilidad nito na ilapit sa Malabonians ang kahalintulad na serbisyo ng out-patient department ng Ospital ng Malabon (OsMal).

Samantala, ikinagalak ni Mayor Oreta ang pakikipagtulungan ng Brgy. Catmon sa proyekto na lubos na makatutulong sa mga pas­yenteng mula sa District 1 ng lungsod.

Ayon kay City Health Officer Dr. Roberto Romero, ang SHC na tatawagin ding ‘Bulwagan ng Kalusugan’ ay handang magbigay ng basic laboratory tests na hindi naibibigay ng kasaluku­yang mga barangay health center sa mga nagpapatingin na pasyente.

“Magkakaroon ito ng X-ray, ultrasound, ilang labo­ratory, dental at pharmacy services habang magkakaroon din ito ng paanakan para sa mga buntis na pasyente,” dagdag pa ni Dr. Romero.

“Dahil rehistrado sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ang bawat pasyenteng Ma­labonian ay makikinabang sa serbisyo bilang PhilHealth member beneficiaries,” paglilinaw din ng health officer.

Dumalo rin sa naturang ‘ground-brea­king’ event ang mga kapanalig ng Pamilyang Ma­labonian sa pangunguna nina dating congresswo­man Jaye Lacson-Noel, Konsehal Bernard Dela Cruz at iba pang persona­lidad na naghahandang manilbihan sa Sangguniang Panlungsod ng Malabon.

Dahil isa sa mga prayoridad ni Mayor Oreta ang maayos na kalusugan ng Malabonian, plano niiya, aniyang itayo ang ka­tulad na Super Health Center sa Brgy. Potrero para sa mga pas­yenteng taga-Ikalawang Distrito ng lokalidad.