Abante Tonite Interactive

2 Taiwanese na-rescue sa Chinese kidnap gang

By
0 295

Arestado ang anim na Chinese national habang na-rescue naman ng mga awtoridad ang dalawang Taiwanese na dinukot ng mga suspek dahil sa pagkakautang sa casino, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Kinilala ni Las Piñas Police chief Sr. Supt. Simnar Gran ang mga suspek na sina Zhinkun Go, Tze Xiao, Weiping Wang, Zhao Ma, Huang Yang at Xiangquan Lu, pawang nasa hustong gulang.

Si Go diumano ang tumatayong lider ng grupo.

Na-rescue ng mga awtoridad ang dalawang Taiwanese na sina Sha Chang Ping at Hua Pin Yuan, kapwa nasa hustong gulang din.

Ayon sa ulat ng Las Piñas Police, nakatanggap sila ng text message mula kay Jerry Wang, miyembro ng isang Taiwanese community, na humihingi ng police assistance dahil nag-report ang mga kaanak ng mga biktima sa Taipei Police na ikinulong ang dalawang Taiwanese sa isang bahay sa naturang lungsod noong Disyembre 2 dahil sa utang ng mga ito sa casino.

Dakong alas-6:50 ng gabi ikinasa ng mga ope­ratiba ng Intelligence Section ang surveillance operation sa isang bahay na matatagpuan sa panulukan ng Daisy at Marigold St., Pilar Village.

Naging positibo ang surveillance operation kung kaya’t dito na isinagawa ng mga pulis ang rescue operation sa dalawang biktima.

Narekober sa lugar bilang ebidensiya ang isang Mitsubishi Montero na ginamit umano sa pagdukot sa mga biktima, duct tape, kadena, iba’t ibang credit card at pasaporte, mga cellphone at P12,000 cash.

Sasampahan ng kasong kidnapping-for-ransom ang mga suspek.

Nabatid na duma­ting sa bansa ang dalawang Taiwanese para maglaro sa casino pero nagkautang sila sa mga Chinese ng P14 milyon. Dinukot sila ng mga suspek sa tinutulu­yang hotel at dinala sa isang bahay sa Las Piñas at pinatutubos sa mga kaanak.