Abante Tonite Interactive

2-taon nganga Child actress nagtitinda ng kape, tinapay sa istasyon ng tren

0 3,649

tonite-pak-allan-diones
Naawa kami sa child actress na si Rhed Bustamante na 2 years na palang walang career at nagtitinda na lang ng tinapay at kape sa may istasyon ng tren sa Sampaloc, Maynila.

Na-feature nu’ng Linggo sa ‘Rated K’ ang mala-soap opera na pinagdaraanan ng ba­gets, na ang galing-galing sa 2016 MMFF entry na ‘Seklusyon’ pero ngayon ay nganga sa trabaho.

Naputulan ng ilaw sina Rhed, pinalayas sa dating bahay dahil walang pambayad ng upa, tapos ang ama niya ay walang trabaho dahil may sakit ito sa baga.

Sa Meycauayan, Bulacan sila nakahanap ng murang mauupahan, pero sa Sampaloc sila nagtitinda.

Bunso sa tatlong magkakapatid ang 11-anyos na bagets at siya ang breadwinner ng pamilya lalo na nu’ng nag-aartista pa siya.

Nabanggit din sa feature ng ‘Rated K’ na may kakaibang sakit sa balat si Rhed, na nu’ng ipa-checkup sa derma, ang sabi ng doktor ay kailangan niyang mag-moisturizer para maiwasan ang dryness. Sana nga ay ganu’n lang ‘yon at hindi ito malala.

Medyo kalerky ‘yung product intrusion ng isang inumin na bigay daw ni Korina, na biglang ipinakitang iniinom nina Rhed. Sana ay binayaran siya at ang pamilya niya nu’ng herbal drink na ‘yon.

Nakakalungkot na sa edad niyang ‘yon ay pinoproblema ng bagets kung anong gagawin niya para makatulong sa kanyang pamilya.

Nag-aaral naman daw si Rhed at Grade VI na siya, pero gusto niyang makabalik sa pag-aartista para mabawasan ang hirap na pinagdaraanan nila.

Wish din niyang may tumulong sa pag-aaral nilang magkakapatid. Akala namin ay sasa­bihin ni Korina na sagot na niya ito, pero walang gano’n.

O puwede ring meron, pero hindi na lang pinakita sa kamera. Mahirap din kasing mag-expect, sabi nga ni Rhed.

Nu’ng nabubuhay pa si Direk Wenn Deramas ay laging may trabaho ang bagets dahil paborito siya nito. Lagi siyang kasama sa mga pelikula at tele­serye ni Direk Wenn.

Sana ay kunin ng ABS-CBN si Rhed at bigyan ng teleserye ang naghihikahos na bata. Sayang dahil napaka-talented nito.

Puwede rin sigurong makiusap kay Coco Martin na bigyan ng role ang bagets sa ‘Ang Probinsyano’ bilang kilala si Coco sa pagtulong sa mga na­ngangailangan na kasamahan sa trabaho.

Kaya lang, parang lahat na lang ay si Coco ang nilalapitan at ito na ang nagiging takbuhan ng bayan.

Baka rin naman puwedeng kunin ulit ni Direk Erik Matti si Rhed, na puring-puri niya noon sa ‘Seklusyon’.

Marami namang ginagawa si Direk Erik, so baka keri niyang bigyan ng trabaho ang talentadong bagets na nagdarahop ngayon.