Abante Tonite Interactive

2 timbog sa panggogoyo sa mga negosyante gamit ang pekeng tseke

162

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa kataong nagpapanggap na mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce Inc., (FFCCCI) sa panggogoyo ng mga negos­yante ng milyong halaga ng kilalang brand ng alak sa isang entrapment operation sa Malabon City.

Iprinisinta sa mga mamahayag ng NBI-Special Task Force ang mga suspek na kinilalang sina Joseph Lua at Elizabeth Torres.

Ang dalawa ay inaresto nitong Oktubre 18 at agad silang isinailalim sa inquest proceedings sa reklamong estafa.

Ang dalawa ay dinakma sa Lapu-Lapu St., Malabon nang ilipat nila sa sasakyan ang nasa 100 alak na deli­very mula sa truck ng nabiktimang negosyante.

Sa imbestigasyon, nakipagtransaksyon umano noong Setyembre 27, 2019 sa biktima ang nagpakilalang ‘Michael Tan’ na taga FFCCCI at umorder ng mga alak na nagkakahalaga ng P486,480 at tseke ang ibinayad na ayon sa China Bank ay ‘outdated’ at kaila­ngang palitan.

Noong Setyembre 28, 2019 isa pang tawag ang natanggap ng complainant sa nagpakila­lang ‘Philip Dy’ na umorder ng P649,800 halaga ng kila­lang alak. Nang ideposito sa bangko ang bayad na tseke ay natuklasang peke.

Noong Oktubre 17, 2019 ang pinakahuling iligal na aktibidad ng dalawang suspek kung saan nagpakilalang ‘Atty. Jose Tria’ ang suspek na taga-Pagcor umano at nagpadeliber ng 1,000 bote ng sikat na alak sa Wynford Hotel sa Sta. Cruz, Maynila.

Lingid sa kaalaman ng mga suspek, humingi ng tulong ang mga biktima sa NBI-STF na nagduda na modus operandi ng mga suspek dahilan upang maaresto ang dalawa. (Juliet de Loza-Cudia/Lorraine Gamo)