Abante Tonite Interactive

2 tirador ng UV Express bumulagta

504

Tumimbuwang ang dalawa umanong tirador ng mga pumapasadang UV Express matapos ang isang madugong engkuwentro sa Quezon City kahapon ng ­madaling-araw.

Base sa imbestigasyon ni Chief Inspector Joey Caise, officer-in-charge ng Quezon City Police District (QCPD) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), isang linggo silang nagsasagawa ng surveillance sa Aurora Boulevard dahil sa mga kaso ng panghohol­dap mga sa UV Express drivers.

Hanggang sa mati­yempuhan nila sa isang kanto ang apat na sakay ng dalawang motorsiklo kung saan nang matunugang mga ­pulis ay mabilis ang mga itong nagsipulasan ­patungong Sta. Mesa, Maynila.

Pagsapit sa kanto ng Mangga Street, Barangay Kaunlaran ay pinaputukan ng dalawa sa mga suspek ang bumuntot na pulis.

Dahil dito’y gumanti na ng putok ang mga parak kung saan napuruhan ang dalawa habang nakatakas naman ang kasapakat pang da­lawa.

Nakarekober ang pulisya sa pinangyarihan ng krimen ng 2 kalibre .38 na baril at mga ­sachet ng hinihinalang shabu.

Sa kasalukuyan ay masusi pang nagsa­sagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na umano’y nasa likod ng mga panghoholdap sa lugar.