Abante Tonite Interactive

2 titser, 3 estudyante todas sa truck

318

Patay ang dalawang public school teacher at tatlong estudyante sa magkakahiwalay na aksidenteng kinasangkutan ng mga truck sa Pangasinan at Isabela.

Sa Bani, Pangasinan, kinilala ang mga nasawing guro na sina Janna Kaye Uyga at Rachelle Doctor na parehong sakay ng motorsiklo na sumalpok sa truck ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) noong Linggo.

Ayon kay Bani Police Station chief Major Edgar Palaylay, bago mangyari ang insidente, rumesponde sa isang emergency ang truck ng MDRRMC at ­bumubusina ito.

Nagbigay-daan aniya ang tricycle na nasa harap ng truck ngunit biglang sumulpot naman ang motorsiklo dahilan para mabangga ito ng truck.

Sumuko ang truck driver pagkatapos ng aksidente.

Sa Brgy. Minanga, San Mariano, Cauayan City, Isabela, patay ang isang estudyante habang ­sugatan ang kanyang kasama matapos bumangga ang kanilang motorsiklo sa isang six-wheeler truck noong Lunes.

Sa report ni Staff Sgt. Rogelio Ignacio Jr. ng San Mariano Police Station, kinilala ang nasawi na si Jaymark Flores, 15-anyos, habang sugatan ang kasama nitong si Gerald Taguimacon, 18.

Nakakulong naman ngayon sa himpilan ng pulisya ang truck driver na si Gilbert Tolentino, 31-anyos.

Noong Lunes din nang masawi ang dalawa ring estudyante matapos sumalpok ang sinasakyan nilang kolong-kolong (motorsiklong may sidecar) sa isang dump truck sa Brgy. San Placido, Roxas, Isabela.

Kinilala ng Roxas Police Station ang mga biktima na sina Hanz Charlie Viado at Jhonrence Esquivel, parehong 16-anyos at nasa senior high school.

Agad namang sumuko ang driver ng dump truck na kinilalang si Danilo Anog, 49-anyos. (Allan Bergonia)