Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 traffic enforcer na-hulicam sa pangongotong

0 50

Tinanggal sa kanilang tungkulin ang dalawang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos makunan ng video habang nangongotong sa isang motorista kamakailan.

Sabi ni Manila Mayor Isko Moreno, kaagad niyang pinasibak kay MTPB Director Dennis Viaje ang dalawang traffic enforcer na hindi pinangalanan matapos niyang makita ang video.

Ang pagsibak ay bahagi ng umiiral na one-strike policy sa pamahalaang lungsod.

Nalaman na ang mga nasabing enforcer ay naaktuhan sa isang video na kuha ng isang netizen habang kinokotongan umano ang isang truck driver sa Laong-Laan St. sa Sampaloc kamakailan.

Inatasan na rin ni Viaje ang dalawa na isurender ang kanilang mga ID at uniform na inisyu sa kanila.

Kasabay nito, pinasalamatan din ng alkalde ang netizen na kumuha ng video at tiniyak na nakarating ito sa kanyang tanggapan at kay Viaje.

Hinimok din ni Moreno ang lahat ng mga netizen na tulu­ngan ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na linisin ang mga tiwaling kawani. Tiniyak niyang ang pagkakakilanlan ng magbibigay ng impormasyon ay mananatiling confidential.

“Pahinga muna sila. Pagdating sa ganitong uri ng gawain, one-strike policy talaga tayo. Wala akong tolerance sa kotongero,” saad ng alkalde. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.