Abante Tonite Interactive

2 tsimay naaktuhang nangulimbat sa QC

0 218

Nasapol ng CCTV ang pagnanakaw ng mamahaling damit ng kanilang amo ng dalawang babaeng kasambahay sa Capitol Hills Golf Subd., Brgy. Old, Balara, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 6, ala-1:30 nang madaling-araw noong Hunyo 19 nang ilabas ng bahay nina Jennifer Obod y Ramayrat, Joan Ybanez y Lumacang, kapwa taga-Osamis City, Misamis Occidental, ang mga damit na nagkakahalaga ng halos P200,000.

Sa reklamo ni Jan Iverson Angeles y Dy, 38-anyos, binata, liason officer ng Realty Corporation at kumatawan sa biktimang amo na si Richard Chuateco, ilan sa natangay ay ang limang piraso ng RL long sleeves na nagkakahalaga ng P35,000; pitong piraso ng polo La Coste shirts na aabot sa P56,000, dalawang pares ng leather shoes Ferragamo na nagkakahalaga ng P36,000.

Salaysay pa ni Angeles, hindi niya mahagilap ang kanyang dalawang kasambahay at nang tingnan niya sa CCTV ng kanilang bahay ay bumulaga sa kanya ang eksenang inilalabas ng mga suspek ang kanyang mga branded na damit. (DC)