Abante Tonite Interactive

2 Tsino nanuhol para palayain ang 21 kababayan

0 192

Inaresto ng mga tauhan ng Makati City Police ang dalawang Chinese national na nagtangkang manuhol sa mga pulis kapalit ng kalayaan ng 21 nilang lalaking kababayan na nahuli sa isang pagsalakay sa isang hotel na ginagawang sex den sa lungsod.

Iniharap naman sa media nina NCRPO Director Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar at Southern Police District (SPD) Director Police Brig. Gen. Nolasco Bathan at ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang suspek na sina Zhao Xiuqiang, 32, at Fan Jianping, 23, kapwa mga turista at pansamantalang naninirahan sa Unit 2001 Avangate Residences­ Meralco Ave., Exchange Rd., ­Ortigas Pasig.

Ayon kay Simon, alas-sais ng gabi nang dumating ang dalawang dayuhan sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Section sa Makati Police Headquarters at humingi ng tulong hinggil sa pagkakaaresto ng 21 lalaking pawang Chinese national na may mga kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.

Sinuhulan ng mga suspek si SIDMS Chief Police Maj. Gideon Ines Jr. ng P1.7 milyong piso kapalit ng kalayaan ng kanilang mga kaibigang Chinese na naaresto kamalawa nang gabi sa 9th Floor, (Showroom), 10th Floor at Penthouse sa MAXX Hotel, Makati Avenue, Brgy. Poblacion, Makati City na ginawang prostitution den.

Dahil dito’y inaresto ang dalawa. (Armida Rico)