Abante Tonite Interactive

2 tulak nanlaban, bulagta sa pulis

1,001

Patay ang dalawang tulak ng iligal na droga matapos na makipagbarilan umano sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Novaliches Police kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Joselito Esquivel, ang mga napatay na suspek na sina Angelito Polimlim alyas ‘Kosa’, 45, at isang alyas ‘Jun Sputnik’, na sinasabing mga residente ng Caloocan City at dumayo lamang sa Novaliches upang magbenta ng shabu.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-2:30 nang mada­ling-araw nang ikasa ang buy-bust operation sa isang bahay sa Ignacio St., Brgy. Gulod, Novaliches.

Pero nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang kanilang buyer kaya agad na bumunot ng baril at pinaputukan ito pero nagmintis.

Dahil dito ay gumanti na rin ng putok ng baril ang mga nakakubling pulis hanggang sa tumakbo sa makitid na pasilyo ang mga suspek at nagkaroon nang habulan.

Nang makorner ang dalawa ay muling pinaputukan ang mga humahabol na pulis kaya pinagbabaril na rin sila hanggang sa duguang bumulagta.

Nasamsam sa tabi ng bangkay ng mga suspek ang isang kalibre .38 na baril, isang kalibre .22, 12 plastic sachet ng shabu at mga drug pa­raphernalia. Narekober din ang P500 buy-bust.