Abante Tonite
Mabilis sa Balita

2 tulak ng Chinese drug lord sa Bilibid timbog

0 461

Arestado ang dalawang tulak ng iligal na droga na konektado umano sa mga nakakulong na Chinese drug lord matapos kumagat sa buy-bust operation ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group kung saan tatlong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P240,000 ang nasamsam sa kanila sa Dasmariñas City, Cavite Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Ranier Reboriano y Ricarto, 25, at Joshua Legazpi y Ricarto, 34, pawang nakatira sa Block 10 Lot 10, Tierra Vista Homes, Dasmariñas City at parehong tubong Kalibo, Aklan.

Ayon kay PDEG director Brig. Gen. Ronald Lee, kasabwat ang dalawang suspek ng mga Chinese drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP), sa iligal na kalakaran ng droga sa National Capital Region at Calabarzon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Base sa ulat, dakong alas-4:40 ng hapon ikinasa ang buy-bust ng mga operatiba ng Special Operation Unit ng PDEG kasama ang mga tauhan ng Cavite Police Provincial Office.

Napag-alaman na kumuha sa mga suspek ng isang kilong shabu ang isang nagpanggap na buyer ng droga kasama ang isang confidential agent gamit ang marked money. Nang magkapalitan ng droga at pera ay agad na hinudyat ang pag-aresto sa mga suspek na hindi na nakapalag nang dambahin sila ng mga pulis.

Nakuha sa dalawang suspek ang kabuuang tatlong kilo ng shabu na nakasilid sa Chinese tea bag, nabawi ang buy-bust money at nakasamsam din ng isang baril na kalibre .45 at isang .30 caliber carbine gayundin ang mga bala nito.

Binitbit ang mga suspek sa PDEG detention cell sa Camp Crame at inihahanda na rin ang isasampang kaso laban sa mga ito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.