Abante Tonite Interactive

20 bahay tupok sa ‘welding’

350

Umabot sa mahigit 20 kabahayan at 40 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na naganap sa isang residential area sa Quezon City, nitong Miyerkoles nang hapon.

Sa inisyal na report ng Quezon City Bureau of Fire and Protection, ang sunog ay nagsimula dakong alas-3:22 nang hapon kahapon sa 3-storey residential house ng isang Ruth Meneses sa No. 7 Ilocos Norte St., Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay, QC, na umabot sa ikatlong alarma.

Bagama’t nahirapang makapasok ang mga bumbero dahil sa napakakipot na eskinita ay agad namang naapula ang apoy bandang alas-4:48 nang hapon.

Batay sa pahayag ng mga residente, posibleng dahil sa nagwe-welding sa katabi nilang gusali ang sanhi ng sunog, gayunman ay patuloy pa rin itong iniimbestigahan ng mga bumbero.

Wala namang napaulat na nasugatan o nasawi sa nasabing sunog. (Dolly Cabreza)