Abante Tonite Interactive

20 Cebu City Hall employee positibo sa drug test

203

Inatasan ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang City Legal Office para imbestigahan ang kanilang mga empleyado na positibo sa isinagawang drug test.

Tiniyak ng alkalde na bibigyan ng ‘due process’ ang may 20 empleyado ng city hall na nagpositibo sa drug test pero masususpinde o posibleng masibak sila sa serbisyo kapag nakumpirma na gumagamit sila ng iligal na droga.

Unang inihayag noong Biyernes ng City Office for Substance Abuse Prevention (COSAP) na may 20 empleyado ng city hall ang nagpositibo sa droga.

Kabilang sa mga empleyadong ito ay nagtatrabaho sa Parks and Playground Commission; Department of General Services; Prevention, Restoration, Order, Beautification, and Enhancement team; Market Operations Division; at Office of the City Civil Registrar.

Lumabas umano sa serye ng mga isinagawang drug test ng COSAP simula noong Nobyembre 8 na positibo sa paggamit ng shabu ang nabanggit na bilang ng mga empleyado. Hindi muna sila pinangalanan. (Prince Golez)