Abante Tonite Interactive

20% income tax sa paputok hinirit

243

Apat na araw bago sumapit ang New Year’s Eve, isang panukalang batas ang inihain ngayon sa House of Representatives para patawan ng buwis ang mga paputok.

Partikular na itinutulak nila Ako Bicol Partylist Reps. Alfredo Garbin Jr. at Elizaldy Co ang House Bill 1517 na siyang magpapataw ng 20% excise tax sa mga fireworks at firecrackers.

Sa halip na tuluyang ipagbawal, sinabi ng mga mambabatas na patawan na lamang ito ng buwis kaysa magdagsa ang iligal na nagtitinda ng mga paputok at pailaw.

Naniniwala ang mga kongresista na kung papatawan ng dagdag na buwis ang mga paputok ay magdadalawang-isip na ang publiko ng bumili na dahilan din para mababawasan ang firecracker related injuries lalo na tuwing Bagong Taon.

Oras na maging ganap na batas ito ay ilalaan ang makukuhang buwis sa DOH at PhilHealth para sa emergency at post-ER recovery fund ng mga nabiktima ng paputok o kaya ay sa kanilang firecracker safety information campaign. (Lorraine Gamo)