Abante Tonite Interactive

20 patay kay ‘Josie’, habagat

By
5,074

Umaabot na sa 20 katao ang naitalang nasawi habang pito namang mangingisda ang nawawala dulot ng pagbayo ng habagat at magkakasunod na bagyo sa mga apektadong lugar sa bansa na nagdulot ng malawakang pagbaha at landslide partikular na sa Central at Northern Luzon, ayon sa pinagsamang ulat ng pulisya at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.

Base sa ulat, nasa 16 katao na ang nasawi sa matinding hagupit ng bagyong Henry, Inday, Josie na pina­tindi pa ng habagat simula nitong nakalipas na linggo.

Subalit, apat pa lamang ang nasawi sa report ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Base sa update ng PNP, kabilang sa mga nasawi ay sina Lito Lacuna, 35-anyos, na nalunod sa ilog sa Camp 5 Acupan, Virac, Itogon, Benguet noong nakalipas na Hulyo 21; Crisencio Coloma, 73-anyos, magsasaka na nalunod rin sa ilog sa Brgy. Calimag, Alfonso Lista, Ifugao; Cornado Eula Jr., 9-anyos, Grade V student sa Brgy. Bangladan, Guimbal, Iloilo, nalunod naman ito sa sapa sa Brgy. ­Calampitao, Guimbal, Iloilo kamakalawa nang umaga. Una nang iniulat ng Cordillera Police ang pagkamatay ng dalawang batang magka­patid sa Agoo, La Union.

Samantalang dalawa ring batang magkapatid ang nasawi sa landslide sa Brgy. Binanuan, Barbaza, Antique, habang dalawang bata pa ang namatay matapos malunod sa Bicol river sa Camarines Sur.

Iniulat pa ng Cordillera Police ang pagkamatay ni Cecilia Teneza, 54, empleyado ng Local Government Unit (LGU) na aksidenteng nadulas sa sahig ng kanilang tahanan bunga ng malalakas na pag-ulan sa Brgy. Lu­maba, Villaviciosa, Abra kamakalawa.

Sa lalawigan ng Rizal, nalunod naman sa Laguna Lake sa kasagsagan ng bagyo ang hindi pa nakilalang lalaki sa Brgy. Pagasa, Binangonan, Rizal kamakalawa nang tanghali.

Iniulat naman ng NDRRMC ang pagkamatay ng apat pang katao sa kalamidad na kinabibilangan nina Luisa Pelev, sa Bontoc, Mountain Pro­vince na natabunan ng landslide; Angelito Hipolan, 43-anyos, nalunod naman sa Guihulngan City, Negros Oriental; Renier Mendoza, 33, tinamaan ng ma­laking tipak na bato na gumuho mula sa bundok sa Vallehermoso, Negros Oriental; Jan Darwin Relucio, 11-an­yos na nalunod naman sa Tullahan River sa Brgy. 164 Caloocan City nitong Hulyo 17.

Lima naman ang naiulat na nasawi sa Mimaropa Region 4-B, dalawa sa mga ito ay namatay sa landslide sa Sab­layan, Occidental Mindoro.

Sa tala ng NDRRMC, umaabot na sa P381,601,517M ang pinsala sa ­agrikultura at imprastraktura sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad. ­Kabilang dito ay ang halos P10 bilyon na ang pinsala ng bagyo partikular na sa mga pananim sa Occidental Mindoro .

Samantala, mataas pa rin ang ­tubig baha sa mga apektadong ­lalawigan sa Central at Northern Luzon.