Abante Tonite Interactive

20 quarantine facility hinanda sa Nueva Ecija

1,055

Nakahanda na ang mga community quarantine facility sa Nueva Ecija para sa mga person under investigation (PUI) at mga person under monitoring (PUM) kung kakailanganin.

Kinumpirma ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force on COVID-19 na kumpleto na ang inspeksyon at assessment ng Department of Health (DOH) sa inalok na mga community quarantine facility sa buong probinsiya.

Kabilang umano sa pasilidad ang mga silid-aralan ng Wesleyan University-Philippines, Nueva Ecija University of Science and Technology at mga elementary school, rural health unit, infirmary, at mga evacuation center.

“Inaayos na ang approval ng DOH for our 20 plus facilities and each PUI will have individual room with CR” pahayag ni Fr. Arnold Abelardo, tagapagsalita ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force on COVID-19.

Sinabi pa ni Gov. Aurelio Umali na kinakausap na rin nila ang pamunuan ng Village Inn Hotel sa Cabanatuan City upang doon patuluyin pansamantala ang mga medical frontliner na naninirahan sa labas ng lungsod.

“Sasagutin na ng kapitolyo ang board and lodging at pagkain nila” dagdag ni Umali.(Jojo De Guzman)

Tonite – Wendys Inhouse Ad