Abante Tonite Interactive

20 sisiw pampain sa investment scam

1,534

Binalaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa pag-i-invest ng pera sa Broiler Entrepreneurship Corp. at Super Livestock Holdings Inc. dahil pawang manloloko umano ang mga ito.

Ayon sa advisory ng SEC, ang Broilerpreneur at Super Livestock ay nang-e-enganyo sa taong mag-invest sa pamamagitan ng pagbili ng 20 sisiw sa halagang P1,000 para umano sa garantiyang kita na 100% sa loob ng 60 na araw.

Sabi ng SEC, ang Broiler Entrepreneurship Agriventures Inc. o Broiler Entrepreneurship at ang Super Livestock Holdings Inc. ay gumagawa ng parehong panloloko o ‘the same fraudulent investment scheme’ na ginagawa ng Broi­lerpreneur Corp. na inisyuhan na ng advisory ng SEC noon pang May 31, 2019.

Sabi ng SEC, kapwa rehistrado ang Broiler Entrepreneurship at Super Livestock sa komis­yon subalit wala silang lisensiya para magbenta ng investment sa publiko.

Babala ng SEC, ang sinumang mag-aahente para sa Broiler Entrepreneurship at Super Livestock para mang-enganyo sa mga taong mag-invest ay maaring pagmultahin ng P5 milyon o makulong ng 21 taon o pareho.

“The public is hereby advised to stop inves­ting in the investment schemes being offered by Broilerpreneur Corporation, Broiler Entrepreneurship and Super Livestock,” sabi ng SEC.

Dagdag pa nito, ang sinumang may kina­laman sa mga kompanyang ito ay ire-report sa Bureau of Internal Revenue para mapagmulta at mapagbayad ng buwis.

(Eileen Mencias)