Abante Tonite Interactive

200 pamilya naipit sa gumuhong tulay

552

Nakaalerto ngayon ang mga residente ng 10 mabababang barangay sa bayan ng Sta. Ana sa Cagayan dahil sa matinding pagbaha kung saan tinatayang nasa 200 pamilya ang isolated ngayon matapos gumuho ang overflow bridge sa Brgy. Patunungan dahil sa pagragasa ng tubig mula sa ilog.

Batay sa report ng Sta. Ana Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), lubhang apektado ang mga residente sa pagbaha na may malakas na hangin sanhi ng bagyong Ramon.

Ayon sa report, ang pagtaas ng tubig-baha ay nagsimula sa bagyong Quiel na kung saan agad namang inihanda ang mga rubber boat na magagamit sa ilang mabababang barangay.

Pinatigil na rin ang pangi­ngisda sa karagatan dahil sa posibleng pagbuhos ng ulan.

Dahil sa pagkakasira ng tulay ay pahirapan ngayon sa mga residente ang paglabas-masok sa barangay kung saan may ibang residente ang tumatawid kapag natitiyempuhan nilang mababa ang tubig sa ilog. (Vick Aquino)