Abante Tonite Interactive

200 wanted, drug personality, pasaway sa kalye dinampot

0 237

Mahigit 200 mga wanted sa batas, drug personality at mga pasaway sa kalsada ang pinagdadampot ng Pasay at Taguig City Police sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) mula Huwebes nang gabi hanggang Biyernes nang madaling-araw.

Sinabi ni PCOL Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, nasa 51 katao ang kanilang naaresto ang may iba’t ibang kasong kinakaharap kabilang dito ang paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Aniya, apat sa mga dinampot ang may warrant of arrest at 16 ang may kasong droga at iba pa.

Sinuyod din mga tauhan ng Taguig City Police ang ilang barangay partikular na sa Maharlika Village na kilalang kuta ng mga kriminal sa pangunguna ni PCOL Alexander Santos katuwang ang Special Action Force ng Philippine National Police.

Sa naturang mga operasyon, 10 wanted personality kabilang ang top 3, 9 at 10 sa talaan ng mga most wanted sa lungsod ang naaresto.

Sa iligal na droga, nasa 32 drug personality ang nadakip na nagresulta rin sa pagkakakumpiska sa nasa 130 plastic sachet ng shabu. Nakasamsam din ng pitong iba’t ibang uri ng baril, mga bala, at dalawang granada.

“Ito ang magbibigay ng stern warning sa mga involved sa illegal drugs and other forms of criminality even sa violations ng ating mga city ordinances at asahan ninyo na patuloy itong gagawin ng ating mga police stations under the supervision of the District Directors,” pahayag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director PMGen Guillermo Eleazar nang iharap sa kanya ang mga nasakote.

Aabot naman sa 132 katao ang dinampot dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga ordinansa tulad ng pag-inom ng alak sa kalsada, paninigarilyo, paglabas ng bahay na walang damit pang-itaas at nasa 58 kabataan ang nailigtas sa curfew ordinance.

Sinabi ni Eleazar na ang naturang mga operasyon ang isa sa dahilan ng pagbaba ng mga insidente ng krimen sa Metro Manila kung kaya’t hinikayat pa nito ang mga hepe ng police station na lalong paigtingin ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad. (Armida Rico)