Abante Tonite Interactive

2019 national budget na-‘hostage’

By
0 172

Dahil hindi naipasa ng Kamara at Senado ang 2019 National Budget, wala munang maaasahang pagtaas ng suweldo ang mga kawani ng gobyerno. Kaya ang naipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo at pulis na dagdag umento ay malabong maramdaman sa pagsisimula ng taon dahil ang iiral pansamantala ay ang tinatawag na “re-enacted budget”.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diok­no, ang pondo para sa dagdag suweldo ng mga kawani ng gobyerno ay dapat manggaling sa panukalang P3.757-trillion 2019 national budget – na nabigong aksiyunan ng Kamara.

Hindi puwedeng kunin sa ‘re-enacted budget’ ang pondo para lamang matupad ang pangako ni PDU30 sa mga sundalo at pulis at iba pang manggagawa ng gobyerno.

Walang problema sa Senado, ayon kay Se­nate President Vicente Sotto III, kaya ng mga Senador na ipasa agad ang ‘2019 National Budget’ kung naipadala lang ng maaga ng Kamara sa kanila ang panukalang pambansang pondo.

***

Nabitin ang pagpasa ng Kamara sa “2019 National Budget” dahil nabisto ang pagkakaroon bilyong pisong “pork barrel’ ng ilang piling mga Kongresista. Dahil nabuking, ilang lider sa Mababang Kongreso ang nakahanap ng paraan para mailihis ang mata ng publiko sa kanila.

Lumutang ang usapin ng ‘scam’ sa mga ‘flood control project’ sa rehiyong Bicol. At kahit sinalanta ng bagyong Usman ang Bicolandia, at kahit nakabakasyon ang Kongreso, nagsagawa ng ‘public hearing’ ang isang komite ng Kamara, sa paniwalang may ano­malya ang proyekto.

Dahil sa kontrobersiyal na ‘pork barrel’ ng mga Kongresista, ‘na-hostage’ ang 2019 National Budget. Mas pinili ng Kamara na mabitin ang dagdag-suweldo ng mga kawani ng gobyerno matabunan lamang ang usapin ng pagiging ‘gahaman’ ng mga mambabatas sa ‘pork barrel’.

Sabi nga ng mga nakatatanda, pag gusto may paraan, pag ayaw may dahilan.

***

Panahon ngayon ng eleksiyon. Karamihan sa mga miyembro ng Kamara ay tatakbong muli. Dahil nabuking ang bilyones na ‘pork barrel’ peligrong wala na silang ‘makurot’ o makuhang ‘s-o-p’ sa bawat proyektong gagawin sa kanilang distrito o bayan.

Ano ang puwedeng gawin? I-hostage ang pondo ng gobyerno para sa susunod na taon at pairalin na lamang ang lumang ‘national budget.’ Sa ‘re-enacted budget’ maari itong gastusin sa tinatawag na ‘capital outlays’ at “maintenance at operating expenses.”

Dahil magaling ang mga mambabatas sa ‘pagkatay’ sa pondo ng bayan at nasa kanila ang tinatawag na ‘power of the purse,‘ tiyak may makukurot sa lumang ‘budget’.
Ang buhay nga naman.