Abante Tonite Interactive

2020 budget hihimayin sa road user’s tax

0 127

Pinaalalahanan kahapon ni Senate Pre­sident Pro Tempore Ralph Recto ang exe­cutive department na dapat matukoy sa 2020 national budget ang lahat ng proyektong pinondohan gamit ang perang nakolekta mula sa vehicle registration fee.

Ayon kay Recto, kailangang tiyakin na ang panukalang budget para sa susunod na taon ay alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 11239 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril 8, 2019 para buwagin ang Road Board.

Sa ilalim ng naturang batas binuwag ang Road Board at itinakda na lahat ng nakolektang pera mula sa Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) ay i-remit sa National Treasury at ilagay sa isang special account ng Ge­neral Fund.

Ang pondong malilikom sa special account ay gagamitin lamang para sa construction, upgrading, repair, rehabilitasyon ng mga kalsada, tulay at drainage.

“Kailangan under one box talaga, para alam ng taxpayers kung magkano ang nakolekta, saan gagastusin, at kung ang mga ito ay ayon sa menu na isinasaad sa RA 11239,” ani Recto.

Nabatid na umabot sa P46.25 bilyon mula sa MVUC collection ang hindi pa nagagastos noong nakaraang taon. (Dindo Matining)